179
arrested-arestado-huli
By

4 MPD police timbog sa kotong

Apat na pulis na nakadestino sa Manila Police District (MPD) ang inaresto sa isinagawang entrapment operation matapos umanong kotongan ng P200,000 ang isang misis, Miyerkoles ng gabi.

Mismong sa loob ng Baseco Police Community Precinct inaresto ang mga suspek na sina Cpl. Nickson Mina, Cpl. Juan Carlo Guzman, Cpl. Fransis Mikko Gagarin at Pat. Tom Hikilan, pawang mga miyembro ng beat patrol team ng MPD Station 5.

Dinakip ang mga nasabing pulis matapos na tanggapin ang halagang P200,000 marked money sa isang ginang na nakilalang si Alaysa Panansang dakong alas-6:30 ng gabi, Nobyembre 13.

Nag-ugat ang entrapment operation matapos magreklamo sa tanggapan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa Camp Crame si Panansang tungkol sa ginagawang pangongotong sa kanya ng mga suspek ng P500,000 kapalit ng kalayaan ng mister nitong si Kelvie Kamid Panansang na naaresto ng mga ito noong Nobyembre 12 dahil sa iligal na droga.

Matapos na makipagnegosasyon ang ginang sa mga suspek ay bumaba sa halagang P200,000 ang hinihingi ng mga ito at nagkasundo na dadalhin ito ng una sa istasyon ng pulisya.

Sa ngayon ay nakakulong na ang mga suspek sa PNP-IMEG detention cell habang inihahanda ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?