49
buy-bust1
By

4 miyembro ng pamilya timbog sa droga

Apat na miyembro ng isang pamilya ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation Huwebes ng gabi sa Makati City.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang mga nadakip na si Willy Yasis Sr., 62; asawa niyang si Enrequita Mojica, 56; anak nilang si Willy Jr., 34; at kapatid ng ginang na si Jerry Mojica, 55, pawang naninirahan sa Barangay Pitogo.

Ayon kay Col. Simon, dakong alas-6:15 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Makati Police Station Drug Enforcement Unit laban sa panganay na anak ng mag-asawa na si Alfredo alyas Pidoy na target ng operasyon.

Gayunman, matapos tanggapin ang P500 markadong salapi kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad na tumakbong papasok ng bahay si Pidoy nang matunugang pulis ang kanyang katransaksiyon kaya’t kumilos na ang mga pulis upang dakpin ang mga suspek.

Kaagad na nadakip sa operasyon ang apat na suspek habang nagawang makatakas ni Pidoy na dumaan sa likurang bahagi ng bahay.

Sinabi ni Col. Simon na isinagawa ang operasyon matapos silang makatanggap ng reklamo sa mismong mga kaanak ng pamilya kaugnay sa iligal na aktibidad.

Nakumpiska sa mga suspek ang may 53 pang plastic sachet na naglalaman ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P23,000 at mga drug paraphernalia.

Itinanggi naman ng mga nadakip na sa kanila ang mga nakumpiskang ebidensiya habang inakusahan ni Jerry ang mga pulis na kinulimbat umano ang naipon niyang salapi sa pagtatrabaho bilang construction worker na nagkakahalaga ng P39,000 na pampaayos sana niya ng kanyang bahay.

Nagtataka naman si Col. Simon sa akusasyon ng suspek gayong bago sila dalhin sa presinto ay isa-isa silang tinanong ng pulis na nakuhanan pa ng video kung may nawalang personal na gamit o pera sa kanila at pawang nagpahayag na walang nawala sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?