64

By

4 katao patay sa malawakang pagbaha sa Region 2

Apat na katao ang naitalang patay dahil sa malawakang pagbaha at landslide na naranasan sa buong Region 2, ayon sa Philippine Army (PA).

Ayon kay PA Major General Pablo Lorenzo, commander ng 5th Infantry Division, pawang pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng apat na biktima.

Sinabi ni Lorenzo, sinuong ng isa sa mga hindi pa nakikilalang biktima ang malalim na baha sa bayan ng Tumauini, Isabela kahit alam na nitong delikado dahil hinabol diumano niya ang kanyang flight papuntang Maynila.

Bukod dito, tig-isa rin ang naiulat na napatay sa Luna, Apayao at Ilagan City, Isabela nang tangkaing suungin ang rumaragasang baha.

Aniya, namatay naman ang isa pang biktima na mula sa bayan ng Pamplona, Cagayan nang mahulog sa malalim na bahagi ng baha habang lumilikas nang atakihin ng kanyang sakit na epilepsy na sanhi ng kanyang pagkalunod.

Bukod dito, dalawang katao ang naitalang nawawala sa Luna Apayao at Tumauini, Isabela matapos suungin ang baha.

Hanggang sa ngayon, ayon kay Lorenzo, patuloy na pinaghahanap ang dalawang biktima.

Samantala, umabot na umano sa 126,000 indibiduwal ang naapektuhan ng kalamidad ngunit sampung porsiyento na lamang nito ang nasa evacuation center matapos humupa ang baha. (ALLAN BERGONIA)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?