20

By

4 huli sa Pasig sa dice, shabu

Arestado ang apat na lalaki matapos malambat sa ikinasang Oplan Galugad matapos ireklamo ng pagsusugal sa kalsada na kung saan shabu ang pustahan, Miyerkules ng gabi sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga naarestong suspek na sina Marco Cruz, 30-anyos, tricycle driver; Rogelio Baguio, 34-anyos, construction worker; Jay-R Tolentino, Jr., 25-anyos at Jerry Espineda, 23-anyos, pawang mga residente ng Pasig City.

Inaresto ang mga suspek bandang 9:30 Miyerkules ng gabi sa kahabaan ng R. Valdez St., Barangay Bagong Ilog, matapos magsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng PCP 10 makaraang makatanggap ng reklamo kaugnay sa pagsusugal sa kalsada ng mga kumpulang kalalakihan na kung saan shabu umano ang ginagawang pustahan.

Agad nagkalasan ang mga miron nang makatunog na may paparating na pulis at saka nalambat naman ang apat na suspek.

Nakumpiska ang dalawang dice, P140 bet money, at tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 0.15 gramo at nagkakahalaga ng P1,020.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa mga kasong paglabag sa PD 1602 at RA 9165.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?