59

Feb 4, 2020 @ 18:44
By

38 OFW na inapi ng amo, nakauwi na

Magkahalong lungkot at saya ang makikita sa mga mukha ng may 38 distressed overseas Filipino workers (OFWs) na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Martes ng umaga sa Pasay City mula sa Kuwait.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), alas-11:50 ng umaga dumating ang mga nasabing OFW sakay ng Golf Air flight GF-154 mula Kuwait.

Pawang sumailalim sa repatriation ng pamahalaan ang mga OFW na nagkaproblema sa kanilang mga employer at nakaranas ng hindi patas na pagtrato.

Sinalubong sila ng mga opisyal at kawani ng DFA at OWWA.

Halimbawa sa kanila si Annabelle Castillo, 29, tubong Hinobaan, Negros Occidental, may asawa at dalawang anak.

Kuwento ni Annabelle, dalawang beses siyang ibinenta ng kanyang amo at muntik na siyang mapahamak doon.

Tumagal lamang siya ng tatlong buwan sa una niyang amo at ibinenta siya sa pangalawa niyang employer, ilang buwan lang din nakakalipas muli siyang ibinenta sa ibang employer kung saan nakakaranas na siya ng pananakit.

Bukod dito, mag-isa siyang naglilinis sa isang malaking bahay na tatlong palapag kung saan hindi rin siya umano nakakakain ng sapat at maayos.

Laking pasasalamat naman ni Annabelle sa tulong ng gobyerno para sila ay makauwi nang buhay sa kanilang pamilya.

“Masaya po ako at nakauwi ako nang ligtas at walang nangyaring masama po sa akin, inasikaso naman po kami nang husto ng emabahada ng Pilipinas po doon sa pagpapauwi po dito sa ating bansa,” maiyak-iyak na pahayag ni Annabelle.

Pansamantalang dinala muna ang mga OFW sa tanggapan ng OWWA habang inaayos ang pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsya at pagkakalooban ng tulong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?