72

By

35 Chinese prostitute arestado sa Makati sex den

Nasa 35 na babaeng Chinese na pawang mga sex worker ang nadakip sa isinagawang pagsalakay sa isang hotel sa Makati City, Lunes ng gabi.

Ito na ang ikaapat na pagkakataon na sinalakay ng mga awtoridad ang hotel na ginagawang sex den kung saan nasa 21 kalalakihang customer na Chinese rin at 10 Pilipino na empleyado ang naaresto rin.

Base sa isinumiteng report ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, alas-11:00 ng gabi nang madakip ang mga suspek sa ikinasang entrapment operation sa 9th Floor (Showroom) , 10th Floor at Penthouse sa MAXX Hotel na matatagpuan sa Makati Avenue, Barangay Poblacion.

Ayon kay Simon, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y nagaganap na sexual activities sa naturang hotel na kinabibilangan ng mga Chinese national.

Agad namang bumuo ng team si Simon upang salakayin ang naturang hotel at dito na naabutan ang mga babaeng Chinese na pawang mga sex worker at pawang mga kababayan din nila ang kanilang mga customer.

Bukod pa rito, ang mga lalaking dayuhan ay mga nagtratrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator.

Nabatid pa na isinasagawa ang booking sa pamamagitan ng mobile application na “We Chat”.

Bukod pa dito ang P20,000 hanggang P45,000 sex service fee kada isang oras na ginagawa sa isang VIP room.

Nakumpiska mula sa nasabing lugar ang assorted sex paraphernalia, costumes, sex toys, sex books at tally board.

Sinabi pa ni Simon, hihilingin nila sa lokal na pamahalaang lungsod ng Makati na ipasara ang nasabing hotel dahil sa ginagawang sex den ng mga dayuhan at aalamin nila kung sino ang operator nito.

Dinala na sa nasabing himpilan ng pulisya ang mga naaresto at ang 35 na babaeng Chinese at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 sa Makati Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?