222
3 pulis, 3 sibilyan timbog sa kidnapping sa Quezon
Mar 19, 2020 @ 18:50

3 pulis, 3 sibilyan timbog sa kidnapping sa Quezon

Arestado ang tatlong pulis at kasama nilang tatlong sibilyan habang nasagip naman ang isang kidnap victim sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) at Special Action Force (SAF) kaninang hapon sa Candelaria, Quezon.

Ayon kay PNP-IMEG Chief Police Col. Ronald Lee, nasakote nila ang mga suspek na sina Patrolman John Faulmini, Police Staff Sgt. Alvin Dimaranan, at Police Staff Sgt. Samuel Merlosa, pawang naka-assign sa Drug Enforcement Unit ng Candelaria Municipal Police Station.

Bukod sa mga pulis ay kasama ring nadakip ng awtoridad ang tatlo pang kasabwat na sibilyan na nakilalang sina Nelson Ravelo, Jessica Alcantara at Reggie De Chavez, matapos ang isinagawang raid sa kanilang safehouse sa Barangay Maasin ng nabatid na bayan.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ng PNP-IMEG, isang entrapment operation ang isinagawa ng PNP-IMEG at SAF dakong ala-1:15 ng hapon, Marso 19, kung saan nag-withdraw ng pera ang isa sa mga suspek sa Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Candelaria Branch.

Matapos makakuha ng pera sa ATM ay sinundan ng operatiba ang suspek hanggang sa humantong ito sa safehouse ng grupo sa Barangay Maasin.

Nabulaga ang mga suspek nang pasukin ng operatiba ang kanilang safehouse kaya hindi na nakuha pang makapanlaban ng mga ito habang nasagip naman ang isang kidnap victim na nasa kanila nang pangangalaga.

Nakuha sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng baril at mga bala nito, gayundin ang perang winithdraw sa ATM ng bangko. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?