168

Sep 11, 2019 @ 15:40
By

3 patay sa sunog sa Tondo

Nilamon ng apoy ang isang residential area sa Tondo, Manila nitong Miyerkoles (Setyembre 11) ng umaga.

Sa Facebook post ng Manila Public Information Office, tatlo ang nasawi sa sunog sa Barangay 147.

Kinilala ng arson investigators ang mga namatay na si Mara Benza, 21; anak nitong si Leo Lance Tequillo, 4; at pamangkin na si Andrei Tequillo, 5.

Nagtamo naman ng second-degree burns sa kanang braso si Lianlyn Tequillo, 7, habang si Ashley Tequillo, 8, ay sugat sa kanyang kaliwang hita at first degree burn sa noo.

Na-trap umano ang mga biktima sa taas na palapag ng kanilang bahay na gawa sa light materials.

Nagsimula ang apoy sa bahay na pag-aari ng isang Lilia Tequillo sa No. 650 Honorio Lopez Boulevard, Gagalangin dakong alas-6:17 ng umaga.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at naapula dakong alas-siyete ng umaga.

Nasa P50,000 naman ang tinatayang pinsala ng sunog.

Samantala, mabilis na nagtungo si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Barangay 147 upang magbigay ng agarang tulong sa mga nasalanta ng sunog.

Kasama ni Domagoso sina Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Arnel Angeles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?