187

Dec 29, 2019 @ 15:39
By

3 bata nalunod sa ilog sa Bocaue

Tatlong batang babae ang namatay matapos malunod sa nilalanguyang Bocaue River sa Barangay Taal ng nabatid na bayan sa Bulacan, Sabado ng hapon.

Base sa ulat na pinadala ng Bocaue Municipal Police Station (MPS), ang mga biktima ay kinabibilangan ng magkapatid na babae na nasa edad na 6 at 9, gayundin ang 10-anyos nilang kalaro.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naglalaro sa tabi ng ilog ang mga bata, alas-2:00 ng hapon, Disyembre 28, nang gumuho ang tinutuntungan nilang lupa at nagtuluy-tuloy ang mga itong dumausdos sa ilog na may lalim na aabot sa 15 talampakan.

Hindi kinaya ng mga ito na makabalik sa lupa at agad silang tinangay ng agos ng ilog hanggang sa tuluyang lumubog.

Mabilis naman ang ginawang rescue operation ng ilang kalalakihang residente sa lugar at nakuha ang mga biktima sa ilalim ng ilog makalipas ang may 10 minuto.

Agad na dinala ang tatlong bata sa pinakamalapit na pagamutan subalit dineklara na ang mga itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Dahil sa nasabing insidente ay agad na nilagyan ng steel railings ang ilog, habang nangako naman ng tulong-pinansiyal ang pamunuang bayan ng Bocaue sa pamilya ng mga batang biktima.

Payo din ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa mga magulang na palaging bantayan ang kanilang mga anak at huwag silang pabayaan, lalo na sa mga delikadong lugar, upang maiwasan ang kapahamakan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?