229
arrested
By

3 bata ginawang sex slave: Bading na tutor, kalaboso

Swak sa kulungan ang isang 48-anyos na private tutor na dumukot sa tatlong batang lalaki saka ginawa umanong sex slave.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si Michael Patrick Gulapa, 48, tutor, ng Barangay Saguin, Florida, Pampanga.

Ayon kay Esquivel, alas-3:15 ng hapon (Agosto 20) nang maaresto ng mga pulis-Anonas, sa pakikipag-ugnayan sa Pampanga Police Provincial Office-PRO 3, ang suspek sa kaniyang tahanan.

Ang pag-aresto ay nag-ugat sa sumbong na ang suspek ang umano’y nakitang huling kasama ng tatlong batang lalaki na pawang 12 taong gulang lamang dakong alas-sais ng gabi noong Hulyo 8 sa Maginhawa St., Brgy. Teachers Village East, bago nawala ang mga ito.

Noong Agosto 3, 2019, nagawa ng isa sa mga biktima na kontakin ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng social media at sinabing siya at ang kanyang mga kasamahan ay nasa Sevilla, Binondo, Manila.

Noong Agosto 14, 2019, muling nagawang kumontak ng bata sa kanyang kapatid at sinabing sila ay nasa V. Luna St., Quezon City, at nasa ilalim ng pangangalaga ng isang alyas “Tatay” na sinasabing mayaman.

Agad namang humingi ng tulong ang mga magulang ng mga bata kay Karen Carrasco ng Barangay Council for the Protection of Children ng Brgy. Kruz na Ligas, na siya namang nag-report sa mga awtoridad.

Gayunman, nang tunguhin ang mga nabanggit na lugar ay hindi natagpuan doon ang mga bata, kaya’t muling nakipag-ugnayan sa iba’t ibang unit sa paligid ng National Capital Region at mga kalapit na lalawigan upang makakalap ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga bata.

Nitong Agosto 19, dakong alas-10:30 ng gabi, iniwanan umano ng suspek ang mga bata sa C.P. Garcia St., malapit sa Sarha, Brgy. Krus na Ligas kaya’t nagawa ng mga ito na makauwi sa kanilang mga tahanan.

Kinabukasan, ala-una ng hapon ay agad na nagtungo ang mga magulang at ang mga bata sa Anonas Police Station at isinumbong na dinala sila ni alyas Tatay sa Pampanga, kaya nagsagawa ng manhunt operation laban sa suspek, na nagresulta sa pagkaaresto nito.

Nang iprisinta sa mga bata ay positibo nilang kinilala ang suspek na siyang nagkulong sa kanila at ginawa silang sex slaves.

Ang mga biktima ay nasa kustodiya na ng kanilang mga magulang at sumasailalim na sa counseling sa Quezon City Social Services Development Office.

Nakadetine na at nahaharap sa mga kasong qualified trafficking at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at The Anti-Rape Law of 1997 sa Quezon City Prosecutor’s Office si Gulapa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?