67

Mar 20, 2020 @ 12:29
By

200 obrerong Pinoy sa Qatar sinibak

Nasa 200 Pilipino na nagtatrabaho sa state-owned Qatar Airways ang tinanggal sa trabaho nitong Lunes.

Sabi ni Philippine Labor Attache to Qatar David Des Dicang, sa ulat ng ABS-CBN News, Marso 17, 2020 epektibo ang termination letter na natanggap ng mga ito.

Gulat ang mga manggagawa at ang nabatid nilang dahilan kung bakit sila na-terminate ay “redundancy.” Karamihan, ani Dicang, sa mga sinibak ay nagtatrabaho bilang inhinyero, maintenance staff, at iba pa.

Tiniyak naman umano ng Qatar Airways na makukuha nilang lahat ang kanilang mga end of service benefits.

Sabi ni Dicang sa ulat, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Doha at ang Philippine Overseas Labor Office sa Qatar Ministry of Administrative Development, Labor and Social Affairs sa tulong, lalo na para sa mga empleyadong may utang pa sa bangko.

Hinarang na simula Marso 18 ang lahat ng incoming flight papuntang Doha, at pinatigil na rin lahat ng mga pampublikong transportasyon doon simula Marso 15.

Sa ngayon, Marso 20, nasa 460 na ang kabuuang nahawa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Qatar, kabilang ang 10 gumaling.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?