80

By

2 tulak timbog sa P80k halaga ng shabu sa Marikina

Kulong ang dalawang kilalang tulak ng ilegal na droga matapos malambat sa ikinasang buy-bust operation at makuhanan ng mahigit P80,000 halaga ng shabu sa Barangay Tumana, Marikina City, kahapon ng gabi (Abril 29).

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director, PBGen. Christopher Tambungan, nakilala ang dalawang suspek na sina Idawiya Mithonong, alyas Ipah, 30-anyos, tubong Marawi at Saad Dida Agun, alyas Gerry, 20-anyos, tubong Cagayan De Oro at kapwa residente ng Barangay Tumana, Marikina City.

Ayon kay PCol. Redrico Maranan, hepe ng Marikina City Police, isinagawa ang buy bust operation bandang 10:30 Lunes ng gabi sa Singkamas St. Barangay Tumana, matapos makatanggap ng tip ang mga tauhan ng station drug enforcement unit kaugnay sa talamak na pagtutulak ng shabu ng dalawang suspek.

Isang pulis ang nakipagtransaksyon sa dalawang suspek at nakumpiska ang limang sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng Php 80,000.00, at Php 1,800.00 recovered money at Php 500.00 buy bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Marikina PNP detention cell at kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?