28

By

2 sugatan sa grenade attack sa Maguindanao

Dalawang hindi pa nakikilalang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang biglang naghagis ng granada sa gilid ng barbecue stall sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nasaktan ang dalawang tindero sa naganap na insidente noong Linggo ng gabi.

Ayon kay Police Brig. Gen. Graciano Mijares, police director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang grenade attack ay naganap dakong ala-7 ng gabi sa Barangay Rebuken, Sultan Kudarat, ayon umano sa ulat mula sa Sultan Kudarat municipal police office.

Kinilala ang biktima na si Bai Urugan Murod, 45-anyos, at Rakma Tarim, 47-anyos, mga residente ng Barangay Rebuken, na parehong nagtamo ng injuries sa katawan.

Ayon sa mga imbestigador, isa sa dalawang lalaking suspek ang naghagis ng granada at agad na sumibat ang mga ito palayo.

Saad ni Mijares nitong Lunes, ang mga tauhan ng Sultan Kudarat municipal police office ay humingi na ng tulong sa mga lokal na opisyal at mga lider ng Muslim upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Naka-confine na sa Cotabato Regional and Medical Center ang mga biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?