180

By

2 pulis na suspek sa pagpatay sa isang abogado, timbog

Arestado ang 2 pulis na suspek sa pagpatay sa isang abogado matapos ang isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Rizal kahapon (June 6) sa bayan ng Rodriguez ng nasabing lalawigan.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Police Corporal Alberto Umali at Police Sr. Master Sgt. Michael Eralino, pawang nakatalaga sa Rodriguez Municipal Police Station (MPS), nadakip ang mga ito sa magkahiwalay na operasyon ng CIDG kamakalawa matapos ituro na responsable sa pag-ambush kay Atty. Edilberto Golla Jr., 45, sa nabatid na bayan nitong Mayo.

Si Golla ay pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan noong Mayo 17 sa Eastwood Greenview Subd, Phase 2, Barangay San Isidro ng nabanggit na bayan.

Base sa ulat ng CIDG, si Umali ay nadakip dakong alas 6:00 ng umaga sa Block 20, Lot 1, Summitview Subdivision, Barangay San Rafael, ng bayang ito sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.

Samantala, sa pagitan naman ng 8:00 ng umaga at 1:30 ng hapon kahapon nang maaresto rin ng mga awtoridad sa pamamagitan rin ng search warrant si Eralino sa Via Veneto Street, San Francisco Village, Barangay Muzon, Taytay, Rizal.

Si Eralino ay nahulihan naman ng dalawang fragmentation grenades; isang caliber .9mm Glock pistol (PNP Property SN PNP52420); mga magazine at mga bala ng ibat-ibang kalibre ng baril.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa CIDR-Rizal habang isinasailalim sa interogasyon ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?