46

By

2 napalaya sa GCTA arestado, 1 sumuko

Dalawang inmates na kabilang sa napalaya sa bisa ng Good Conduct Time and Allowance (GCTA) law ang naaresto sa magkahiwalay na manhunt operation sa Muntinlupa at Makati City nitong Biyernes ng madaling-araw.

Mula sa Muntinlupa City Police, nakatakdang i-turn-over sa Bureau of Corrections (BuCor) ang inmate na si Cesar Pingco, nasa hustong gulang.

Ayon sa report, alas-3:30 ng madaling-araw (Setyembre 20) nang madakip ang nasabing inmate ng Muntinlupa City Police Intelligence Task Force sa No. 1041 Santo Niño St., Barangay Poblacion ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na si Pingco ay nabigong sumuko sa deadline na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga napalaya dahil sa GCTA law.

Alas-tres ng madaling-araw ay nadakip naman ang convict na si Ernesto Zaldivar, 64, sa tinitirhan nito sa No. 3016 Aguinaldo St., Barangay South Cembo, Makati City.

Napag-alaman na si Zaldivar ay nahatulan noong Agosto 1, 2006 sa Makati City RTC, Branch 60 sa kasong rape at napalaya ng BuCor dahil sa GCTA noong Mayo 23, 2016 mula sa Iwahig Penal sa Palawan.

Samantala, isang inmate ang boluntaryo namang sumuko sa Las Piñas City Police na kabilang din sa napalaya sa GCTA.

Kinilala ang inmate na si Paul Rico Tagle, 34, residente ng Tabing Dagat, Barangay Talaba 2, Bacoor, Cavite.

Inihahanda naman ng Las Piñas City Police ang pag-turn over kay Tagle sa New Bilibid Prison (NBP).

Samantala, base sa report ng BuCor umaabot na sa 1,600 ang sumuko at naibalik sa NBP.

Sinabi ni BuCor spokesman Sonny del Rosario, halos nasa 300 na lamang ang hindi pa sumusuko sa mga napalaya sa GCTA at ito ay kanila pa rin pinaghahanap.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?