102

By

2 nang-ambus sa broadcaster timbog, gunman na pulis pinaghahanap

Arestado ang dalawang suspek na responsable sa pagpatay kay radio broadcaster Dindo Generoso sa Dumaguete City matapos ang isinagawang follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Huwebes ng gabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Teddy Reyes Salaw, 44, residente ng Batinguel, Dumaguete City, nakuhaan sa pag-iingat nito ng isang kalibre .45 baril na puno ng bala, at Glenn Corsame, retiradong pulis, drayber ng motorsiklong ginamit sa pagpatay sa broadcaster, at nadakip sa kanyang bahay sa Barangay Banilad ng nasabing lungsod.

Samantala, pinaghahanap pa ng awtoridad ang umano’y gunman at aktibong miyembro ng Philippine National Police na si Police Corporal Roger Rubio, nakatalaga sa 1st Provincial Mobile Force Company ng Negros Oriental Police Provincial Office.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon kung ano ang motibo ng mga suspek sa pagpatay sa biktima habang kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa CIDG Regional Force Unit para sa tamang desposisyon.

Matatandaang pinagbabaril ang biktimang si Generoso, broadcaster ng DYEM 96.7 Bai Radio, dakong alas-7:30 ng umaga nitong Huwebes, Nobyembre 7, 2019, sa kahabaan ng Hibbard Avenue, Barangay Piapi, Dumaguete City.

Papasok na sana ito ng kanyang trabaho lulan ng kulay brown na Hyundai Elantra nang maganap ang ambush.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?