78
bus
By

2 miyembro ng ‘Ipit Gang’ timbog sa bus

Arestado ang dalawang notoryus na miyembro ng ‘Ipit Gang’ matapos silang mangbiktima ng isang pasahero sa bus na kanilang sinakyan kamakalawa sa Mandaluyong City.

Kinilala ni Chief Supt. Reynaldo Biay, Eastern Police District (EPD) Director ang mga nadakip na sina Ryan Egana at Ronald Jugan, parehong nasa hustong gulang at residente ng Sta. Mesa, Maynila.

Ayon kay Biay, nadakip ang mga suspek dakong alas-10:00 ng umaga sa EDSA, Mandaluyong City.

Lulan ng aircon bus ang mga operatiba nang mapansin nila ang mga suspek na simpleng ninanakawan ang walang kaalam-alam na biktima at nang makuha ng mga ito ang wallet nito ay agad silang pumara.

Pababa na sana ng bus ang dalawa nang pigilan ng mga operatiba at arestuhin.

Nakuha ng mga suspek ang wallet ng isang estudyanteng babae na hindi na nagpabanggit ng pangalan.

Ang modus ng mga suspek ay gigitgitin ng isa sa kanila ang bibiktimahin na karamihan ay mga babae, habang ang isa naman ang siyang dudukot sa mahahalagang bagay katulad ng wallet at cellphone.

Ayon pa sa hepe, nagpakalat na siya ng mga intelligence officer sa mga pampasaherong bus lalo na sa mga aircon bus dahil sa ulat na talamak ang operasyon ng mga ‘Ipit Gang’ kaya’t natiyempuhan nila ang dalawang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?