246
2 kalaboso sa vote-buying sa Laguna
By

2 kalaboso sa vote-buying sa Laguna

Arestado ang dalawang tao sa di umano’y pagbili ng boto sa bayan ng Sta. Cruz sa Laguna nitong Linggo (Mayo 12).

Ayon sa report ng Inquirer.net, sa isang text message ay kinilala ni Laguna Police chief Col. Eleazar Matta ang suspek na si Melchor Sta. Ana, 61-anyos, at Miriam Octavio, 54-anyos, parehong residente ng Barangay Oogong.

Saad ni Matta, rumesponde ang mga pulis sa ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa nangyayaring vote-buying sa barangay dakong alas-11:55 ng umaga.

Aniya, nahuli ng mga pulis ang suspek sa aktong pamamahagi ng P100 kasama ang sample ballots na may pangalan ni reelectionist Laguna governor Ramil Hernandez at ng 13 iba pang kandidato sa local positions, lahat ay sa ilalim ng Nacionalista Party.

Samantala ayon sa spokesperson ni Hernandez na si Chris Sanji hindi nila estilo ang pagbili ng boto.

“It’s not in our camp’s style to buy votes,” ani Sanji.

Sinabi rin nito na hindi nila malalaman kung sino ang tao sa likod ng pagbili ng boto dahil maraming taga-suporta si Hernandez.

Saad ng pulis, narekober nila ang kabuuang P4,500 cash at isang notebook mula sa dalawang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?