57
holdup1
By

2 Japanese, hinoldap ng nagpakilalang pulis sa QC

Hinoldap ng tatlong kalalakihan, isa rito ay nagpakilalang pulis, ang magkaibigang Japanese national na negosyante sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Shoichi Ichimiya, 49-anyos, at Morita Shuyu, 53, na kapwa pansamantalang naninirahan sa V. Hotel, sa Malate, Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Bronzon Saggot, imbestigador ng Theft and Robbery Section ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station 6, naganap ang panghoholdap alas-otso ng gabi sa kahabaan ng Commonwealth kanto ng Villa Beatriz, Brgy. Old Balara ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga biktima, sinundo sila sa kanilang hotel sa Maynila ng isang nagpakilalang Simon Marcos at ng ‘di kilalang driver nito sakay ng hindi pa batid na behikulo na may plakang (ZCGL-753).

Nagpakilala umano si Marcos na negosyante at sila ay magtatransaksiyon sa Quezon City. Dahil sa tiwala agad na sumama ang magkaibigang Hapon.

Subalit pagdating sa nasabing lugar ay hinarang ang kanilang sasakyan ng isang nagpakilalang pulis.

Agad na pinababa sa sasakyan ang dalawang Hapon at pinaiwan ang dala nilang travelling bag at mga gamit saka sumakay ang nagpakilalang pulis at mabilis na pinaharurot ang dala nilang get-away car.

Naglalaman umano ang bag ng P40 milyong cash; 30 million yen; wallet na naglalaman ng P40,000; dalawang cellphone at Nike backpack.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na robbery hold-up at inaalam pa kung may CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?