64

By

2 dyip sinuyod ng trak sa Antipolo, 6 patay, 4 malubha

Patay ang anim katao habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan matapos salpukin ng isang Fuso trailer truck ang dalawang pampasaherong dyip, Sabado ng hapon, Agosto 31, sa Antipolo City.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Giovanie Bongaitan, Limuel Espinorio, Ramona Macaladcad, John Paul Mallari, James Vincent Dela Cruz, at Denise Kyla Lingad Yu.

Samantala, kasalukuyang inoobserbahan sa Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City ang apat na napuruhan na sina Alex Dagupan at Rey Mandy Pelayo, pawang drayber ng mga nabanggang dyip; Ivan Fugoso at Jennely Espinosa.

Patuloy naman umano ang manhunt operation ng pulisya para sa posibleng pagkakadakip ng hindi pa kilalang suspek na siyang nagmamaneho ng trailer truck na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ni Police Lt. Arnold Mercado, ground commander ng Antipolo City police, naganap ang insidente dakong alas-3:40 ng hapon nitong Sabado sa kahabaan ng Sumulong highway sakop ng Barangay Mambugan ng nabatid na lungsod.

Parehong galing ng Antipolo City proper ang Fuso trailer truck na may plakang PUZ 600 at dalawang pampasaherong dyip na may mga plakang NWV 298 at PLG 923.

Napag-alaman na palusong ang bahagi ng kalsada at nasa unahan ang dalawang dyip nang sagasaan ito ng pababang trailer truck na umano’y mabilis ang takbo.

Sa lakas ng salpok ay halos mawasak ang dalawang dyip kung saan nagtamo ng matinding pinsala ang mga pasahero nito.

Apat ang agarang namatay sa lugar ng insidente habang ang dalawa ay dineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?