95

By

2 bumberong kotongero, kalaboso

Kulong ang dalawang kawani ng Bureau of Fire and Protection (BFP) matapos na kikilan ang isang restaurant na nasunugan dahilan upang ikasa ang entrapment operation ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Kinilala ni Quezon City District (QCD) Fire Marshal Sr. Supt. James Ramirez ang mga suspek na sina SFO4 Fortunato Alde at SFO3 Carlito Canapi, kapwa nakatalaga sa arson investigation unit.

Ayon kay Ramirez, nalaman niya sa isang empleyado ng ‘di binanggit na fast food chain na hinihingan sila ng halagang P20,000 ng mga nabanggit na bumbero para mapabilis ang pagproseso sa fire incident report ng nasunog na restaurant.

“Kailangan ko daw pong magbigay sa kaniya ng P20,000 para daw po mapabilis ang report na aming gagawin at kung hindi daw po ako magbibigay baka matagalan ang pag-release ng fire incident report na kanilang gagawin,” anang empleyado na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Dahil dito ay agad na hiniling ni QC Fire Marshal Chief sa mga tauhan ng PNP-CIDG na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Arnold Moleta na magsagawa ng entrapment operation laban sa kaniyang mga tauhan.

Nabatid na si Alde ang may hawak ng imbestigasyon sa nangyaring pagkakasunog ng isang restaurant noon pang Pebrero 28 subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin itong fire incident report dahilan upang hindi pa makapag-operate ang nasabing establisyimento.

Toda tanggi naman ang dalawa at sinabi na pumunta lamang sila sa restaurant upang ipakita ang mga dokumentong mga kinakailangan.

Nagpaalala naman si Ramirez sa lahat ng kanilang kliyente na kung may nais silang malaman tungkol sa pagpoproseso ng kanilang papeles, dokumento o anumang bayarin ay huwag mag-atubiling magtungo sa kanyang opisina at handa silang tugunan ang pangangailangan ng mga residente ng lungsod Quezon.

Nakapiit na sina Alde at Canapi at nahaharap sa kasong robbery extortion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?