152

By

2 binata tinangay ng alon, hinahanap pa rin

Nawawala pa rin ang dalawang binata na natangay ng malalaking alon habang naliligo sa beach resort sa Lemery, Batangas noong Linggo ng tanghali.

Kinilala ng Lemery police ang dalawa na sina John Michael Fabillar, 23, at Jay-Ar Gonzales, 17, parehong taga-Taguig City.

Ayon sa report, naliligo ang mga ito sa mababaw na bahagi ng dagat sa Abaksa Beach Resort, Barangay Nonong Casto, nang salpukin ng malalaking alon, dakong alas-12:15 ng tanghali.

Ayon sa kasama ng dalawa na si John Philip Tonido, humihingi ng tulong ang mga ito habang tinatangay ng alon patungo sa malalim na bahagi ng tubig.

Hindi rin umano siya marunong lumangoy kaya agad niyang tinawag ang mga lifeguard ng resort subalit nawala na ang dalawa.

Nagtulung-tulong na ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), MDRRMO, Bantay Dagat, mga barangay officials at mga residente ng Brgy. Nonong Casto sa paghahanap, subalit hindi pa rin matagpuan ang dalawang biktima.

Kaugnay nito, nagbabala na ang lokal na pamahalaan ng Batangas at ang mga tauhan ng PCG na mag-ingat sa paliligo sa mga dalampasigan ng mga bayang nakaharap sa kanlurang bahagi ng lalawigan dahil sa malalaki pa ring alon at mga storm surge na dulot ng nakaraang masamang panahon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?