72

By

2 anak ng jail warden, timbog sa buy-bust ng PDEA

Arestado ang magkapatid na tulak ng iligal na droga na anak ng isang jail warden matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Carmen, Cagayan De Oro City.

Kinilala ang magkapatid na suspek na sina Gregor Tagarda, alyas Greg, nakuhanan ito ng 15 gramo ng shabu na may halagang mahigit sa P100,000, at Bonclinto Tagarada, na nakuhanan naman ng limang sachet ng shabu na may halagang P68,000.

Ayon kay PDEA Region 10 Director Wilkins Villanueva, ang nadakip na magkapatid ay anak ni Misamis Oriental Provincial Jail Warden Dominador Tagarda.

Sa ulat ng PDEA Region 10, dakong alas-5:30 ng umaga nang ikasa ang buy-bust operation laban sa magkapatid na Tagarda sa Gumamela Extension, Barangay Carmen ng nasabing lungsod.

Isang poseur buyer ang ginamit ng PDEA at kumuha ng shabu sa magkapatid at nang magpositibo ito ay agad na dinakip ng mga ahente ng ahensya kung saan nakuha ang nasabing halaga ng shabu.

Ayon pa kay Villanueva, ang mga naninirahan sa palibot ng bahay ng pamilya Tagarda ay alam ang iligal na gawain ng magkapatid.

Kasama din sila sa watchlist ng barangay kaya nagtataka si Villanueva na walang aksyon dito ang kanilang ama na naninilbihan sa gobyerno.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PDEA Region 10 ang magkapatid na suspek habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?