151
saudi
By

19 Pinay na nag-Halloween party sa Saudi posibleng makaligtas sa kaso

May tsansa umanong hindi na sampahan ng kasong kriminal sa Saudi Arabia ang 19 na Pilipina na dinakip dahil sa umano’y paglahok sa isang Halloween party na ipinagbabawal sa bansang Muslim.

Depensa umano ng mga Pinay na inupahan lang sila para maging part-time cleaner at server sa nasabing party noong Biyernes ng nakaraang linggo.

Sa ngayon, nag-iimbestiga ang piskalya sa Riyadh at maaaring malaman sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo kung magsasampa ito ng kaso.

Dahil sa tulong ng Philippine Embassy, pinakawalan ang 19 kahapon, Oktubre 31, ala-1:20 ng hapon sa Saudi Arabia na alas-6:20 ng gabi sa Maynila.

Dahil din umano sa embahada, tatanggapin silang muli ng kanilang employer nang walang binabayarang multa.

Pinagsabihan naman ang mga ito ni Ambassador Adnan Alonto na huwag nang uulit sa ganoong part-time job arrangement.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?