156

Jan 27, 2020 @ 18:44
By

18 tindahan kinasuhan sa overpriced face mask

Umabot sa 18 tindahan ang kinasuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng profiteering matapos mahuli silang nag-overprice ng mga face mask matapos pumutok ang bulkang Taal.

Sabi ng DTI na inisyuhan ang mga ito ng notice of violation (NOV) at hiningan ng paliwanag.

Dahil hindi sapat ang kanilang dahilan sa pagtaas ng presyo ng face masks, kinasuhan sila ng DTI at ang mga kaso ay may multa na hanggang P300,000 sa bawat tindahan.

Bukod sa Calabarzon, apektado rin ang Metro Manila sa ashfall galing Taal kaya’t nagkaubusan din ang face masks sa NCR.

Enero 12, 2020 bumuga ng abo ang bulkang Taal at Enero 13-14, 2020 nagpaikot ang DTI ng mga tao sa Bambang kung saan 17 tindahan ang kanilang binisita at 12 ang inisyuhan ng NOV.

Nag-ikot ulit ang DTI noong Enero 15, 2020 at anim na bagong tindahan naman ang inisyuhan nito ng NOV.

Ayon sa Fair Trade Enforcement Bureau ng DTI, tumalon sa P180 mula sa P50 ang presyo ng N95 face mask at maraming mga tindahan na binisita ay nagsabing naubusan na sila.

Nagbabala si Trade Secretary Ramon Lopez sa mga negosyong nagsasamantala at biglang nagtataas ng presyo kapag mataas ang pangangailangan sa kanilang produkto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?