32
168 toneladang campaign material nahakot sa Metro Manila
By

168 toneladang campaign material nahakot sa Metro Manila

Matapos ang midterm elections, nasa 168 toneladang election-related material ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Sa post clean-up report ng MMDA-Metro Parkway Clearing Group (MPCG) matapos ang eleksyon, katumbas ito ng pitong dump truck.

Gamit ang scraper at sprayer, tulong-tulong na nilinis ng clearing operations team ang mga election material na nasa mga pader at bakod sa mga pangunahing lansangan.

Inalis din ang mga poster na nakasabit sa mga poste at kawad ng kuryente at mga puno gamit ang man lifters habang winalis naman ng mga street sweeper ang mga leaflets, sample ballots at flyers na nasa paligid ng mga pampublikong eskwelahan na nagsilbing mga presinto.

Dinala sa ilalim ng mga flyover sa Santolan at Nagtahan ang mga nakolektang campaign material para ma-recycle.

Ayon sa hepe ng MPCG na si Francis Martinez, mas mababa ang nakolektang basura ngayong taon kumpara sa 206 tonelada noong 2016 national elections.

Pinakamarami umanong nakuhang mga campaign material sa Maynila, Quezon City, Parañaque at Makati.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?