172

By

15 bahay sa QC nasunog umano ng mga adik

Dahil umano sa “pot session” ng limang lalaking gumagamit ng shabu, 15 kabahayan ang naabo sa naganap na sunog sa kanilang tahanan at nadamay maging ang bahay ng kanilang mga kapitbahay sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (QC-BFP), nabatid na nasa 45 pamilya ang nawalan ng matitirhan nang sumiklab ang apoy dakong alas-nuwebe ng gabi, Oktubre 13, 2019, sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa isang residente sa lugar na humiling na huwag banggitin ang kanyang pangalan para sa kanyang seguridad, may limang lalaki umanong gumagamit ng droga sa bahay na pinagmulan ng sunog.

Gayunman, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon at balidasyon ang mga tauhan ng BFP hinggil sa pahayag ng isang residente na ‘pot session’ ang sanhi ng sunog.

Walang supply ng kuryente sa lugar na kinaganapan ng sunog kaya ang hinala naman ng iba, kandila ang pinagmulan ng apoy.

Nagtagal nang higit sa isang oras ang sunog at tinaas sa ikalimang alarma bago tuluyang naapula ng mga bumbero.

Pawang gawa sa kahoy at iba pang light material ang mga nasunog na tahanan at wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa nasabing sunog na naapula dakong alas-10:30 ng gabi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?