176

By

1 sa 2 suspek sa pagpatay sa mag-iina sa Bulacan, nag-suicide sa kulungan

Natagpuang wala nang buhay sa palikuran ng kulungan ang isa sa dalawang suspek sa pagmasaker sa isang ina at dalawang anak na lalaki sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon sa ulat sa dzbb, sinabi ni San Jose del Monte Police chief Lieutenant Colonel Orlando Castil Jr., na nagpakamatay ang suspek na si Joselito Cortez.

Nakita umano ito ng kasamang preso na nakabigti sa CR ng detention cell.

Ilang araw na umanong napapansin si Joselito na kakaiba na at balisa na.

Hindi na rin aniya ito kumakain nang maayos.

Abril 3 nang makitang patay na at duguan sa loob ng kanilang bahay si Jaymee Casabuena at dalawang anak niyang lalaki na sina Gabriel, 8, at Joaquin Mateo, 5.

Sa isinagawang follow-up operation, naaresto si Joselito sa Barangay San Manuel, San Jose Del Monte City habang ang isa pang suspek na si Wilson Cortez ay sa North Caloocan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?