39

By

1 patay sa nagwalang kapitbahay

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kainuman nito matapos silang saksakin ng naghuhuramentadong kapitbahay sa Caloocan City, Lunes ng hapon.

Kinilala ni Caloocan Police Chief Col. Noel Flores ang suspek na si Joseph Elmer Jalober, 47, na kasalukuyang nakapiit sa Caloocan detention cell at nahaharap sa kasong murder.

Dead on arrival sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib si Jun-Jun Recto, 40, residente ng Barangay Bagong Silang habang ginagamot naman sa naturang pagamutan si Rodolfo Almonia, 46, sanhi ng saksak sa kaliwang braso.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente alas-4:30 ng hapon habang nag-iinuman ang mga biktima sa kahabaan ng Phase 7-C nang dumaan ang suspek at binalaan umano ang dalawa na nauwi sa pagtatalo.

Nang maawat, umalis ang napikong suspek at makalipas ang ilang sandali ay bumalik ito na armado ng bolo saka inundayan ng saksak sa dibdib si Recto at sa kaliwang balikat naman inabot ng saksak si Almonia.

Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang mga biktima sa naturang pagamutan habang kusang-loob naman na sumuko ang suspek sa mga umarestong barangay tanod ng Barangay 176 saka dinala sa Caloocan Police Community Precinct 3.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?